Cong. Arnie Teves at limang iba pa, sinampahan ng reklamong multiple murder kaugnay sa mga insidente umano ng pamamaslang noong 2019
Nagtungo sa DOJ noong Martes ng hapon ang ilang tauhan ng PNP- CIDG kasama ang ilang private complainants para sampahan ng reklamong murder si Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ayon sa abogado ng mga biktima na si Levito Baligod, ang reklamo ay nag-ugat sa mga kaso ng pamamaslang sa apat na katao na nangyari noon pang 2019 sa Negros Oriental.
Ang isa sa mga sinasabing biktima ay ang dating board member ng Negros Oriental province na si Miguel Dungog.
Politika aniya ang lumalabas na motibo sa krimen batay sa mga salaysay ng mga testigo lalo na’t popular si Dungog.
Tumatayong testigo mismo sa reklamo ang mga indibiduwal na parte umano ng assassination team.
Ayon kay Baligod, si Teves umano ang nag-utos na paslangin ang mga biktima.
Kumpiyansa ang abogado sa kredibilidad ng mga hawak nilang testigo.
Sinabi ni Baligod na masusundan pa ito ng iba pang murder complaint dahil 12 na kaso ng pagpatay ang naganap sa pagitan ng 2018 at 2019 na kinasasangkutan ng isang grupo ng hired assassins.
Bukod kay Teves, may lima pa na kinasuhan din sa DOJ ng murder.
Ang mga ito ay sina alyas Hannah Mae, Richard Cuadra alyas Boy Cuadra, Jasper Tanasan alyas Bobong Tanassn, Rolando Pinili alyas Inday Alex Mayagma.
Nilinaw naman ng abogado na walang kinalaman ang kaso sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na iniuugnay kay Teves
Una nang itinanggi ni Teves na sangkot siya sa pagpatay sa gobernador.
Moira Encina