Cong Arnie Teves, kapatid nito na si dating Gov Pryde Teves at kanilang armadong grupo, tinukoy na terorista ng Anti -Terrorism Council

Opisyal nang itinalaga ng Anti- Terrorism Council (ATC) bilang mga terorista si Congressman Arnolfo Teves Jr. at ang kaniyang armadong grupo na tinawag na Teves Terrorist Group.

Ito ay batay sa 10-pahinang resolusyon na inilabas ng ATC na pirmado nina Executive Secretary Lucas Bersamin bilang chairperson at National Security Adviser Eduardo Año bilang vice- chairperson.

Kabilang sa tinukoy na terorista ng ATC ang kapatid ni Congressman Teves na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves, Marvin Miranda at 10 iba pang indibiduwal.

Ayon sa ATC, ang terrorist designation kay Teves at sa grupo nito ay may probable cause.

Base umano ito sa mga compelling na ebidensya at factual incidents na nakalap ng ATC matapos ang isinagawang masusing imbestigasyon sa mga aktibidad ng grupo.

Sinabi ng ATC na ang Teves Terrorist Group ang nasa likod ng mga serye ng pagpatay at mga pagbabanta sa buhay sa Negros Oriental na nagresulta sa pagkatakot ng mga residente doon.

Binanggit din ng ATC ang nangyari noong March 4, 2023 sa Pamplona kung saan inatake ng grupo ang bahay ni Governor Roel Degamo na nagresulta sa pagkamatay nito at 10 iba pa at ikinasugat ng 18 pang biktima.

Tinukoy na lider at mastermind ng grupo si Congressman Teves habang isa sa key members ang kapatid niyang si Pryde na nagbibigay umano ng material support.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *