Cong. Arnolfo Teves haharap sa pagdinig ng Senado sa Lunes
Haharap sa ipinatawag na pagdinig sa Lunes, April 17, ng Senado si Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kinumpirma ng kaniyang staff ang pagdalo ni Teves sa Senate hearing pamamagitan ng online.
Ang pagdinig ay kaugnay sa serye ng mga patayan na nangyari sa Negros Oriental, kabilang ang assassination kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sinabi ni dela Rosa na kahit suspendido, itatrato si Teves bilang Kongresista at hindi isang suspect at ibibigay nila ang kaukulang inter-parliamentary courtesy.
Pero babala ng mambabatas na kung magiging unruly si Teves at gagamitin ang komite para sa grandstanding ay sasawayin ito ng mga Senador.
Masaya si dela Rosa na nagtiwala si Teves sa komite para iparinig ang kaniyang panig sa isyu ng pagpatay kay Governor Degamo.
Wala namang ideya si dela Rosa kung bakit mas pinili ni Teves na humarap sa pagdinig ng Senado sa halip na tumugon sa panawagan ng kaniyang mga kasamahan sa Kamara.
Meanne Corvera