Cong. Lord Allan Velasco, hindi pa rin tiyak na makukuha ang Speakership kahit namagitan pa si Pangulong Duterte
Hindi garantiya ang ginawang pamamagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte para makuha ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco ang speakership sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malinaw ang posisyon ni Pangulong Duterte na ang mayorya pa rin ng mga Kongresista ang magluloklok kay Velasco sa pagiging Speaker.
Ayon kay Roque sa naganap na meeting ng Pangulo kina Speaker Alan Peter Cayetano at Congressman Velasco sa Malakanyang kamakailan, ay nais ng Presidente na matupad ang term-sharing agreement sa Speakership.
Sa term sharing agreement na mismong ang Pangulo ang nagbroker noong mag-umpisa ang 18th Congress, 15 buwang uupo bilang speaker si Cayetano na magtatapos ngayong buwan ng Oktubre at 21 buwang uupo si Velasco bilang Speaker.
Inihayag ni Roque dahil sa nangyaring botohan sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ibinasura ang pagbibitiw ni Cayetano bilang Speaker ay ayaw ng makialam ng Pangulo dahil itinuturing itong panloob na usapin sa co-equal branch ng gobyerno.
Batay sa kasunduan sa pulong sa Malakanyang sa October 14 pa dapat bababa sa puwesto si Cayetano subalit sa hindi malinaw na kadahilan ay naghain siya resignation nitong September 30 na tinutulan ng 184 na kaalyadong Kongresista sa pamamagitan ng nominal voting sa plenaryo.
Vic Somintac