Constitutional crisis ibinabala kapag inatasan ng SC ang Kongreso na magconvene para talakayin ang Martial Law
Nagbabala ang mga mambabatas na magkakaroon ng constitutional crisis sakaling utusan ng Korte Suprema ang Kamara at Senado na mag convene para talakayin ang idineklarang Martial Law sa Mindanao.
Banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez, hindi susunod ang Kamara dahil walang hurisdiksyon ang Korte Suprema para pagsabihan ang Kongreso na co-equal body nito.
“How can the Supreme Court dictate Congress what to do? Co-equal body yan. O, mag-issue ng direktiba ang Supreme Court telling Congress,dictating Congress na, ‘Uy, mag-convene kayo ng joint session!’ Punitin ko yan”. – Speaker Alvarez
Si Senador Panfilo Lacson, wala ring nakikitang batayan para obligahin ng Korte Suprema ang dalawang kapulungan na mag convene para idetalye ang batayan ng Martial Law.
Paalala ng Senador may umiiral na kortesiya sa co-equal branch ng gobyerno.
“Ako ang fearless guess ko, ‘yung para i-compel ng Kongreso, I don’t think the Supreme Court will do it…Because merong tinatawag na kortesiya sa co-equal branch of government, I don’t think the Supreme Court will compel the Senate and the House of Representatives na, ‘Oy, mag-convene kayo, mag-joint session kayo kasi ito ang sinasaad ng Saligang Batas.’ I don’t think it will come to that”. – Sen. Lacson
Kung pag-aaralan rin aniya ng mga mahistrado ng Korte Suprema, malinaw
na magco convene lang ang Senado at Kamara kung ire-revoke o
ipapawalang bisa at palalawigin ang Martial Law.
Sa ngayon, tatlong petisyon na ang nakahain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa deklarasyon ng Martial Law kung saan isa sa mga petitioner ang Constitutionalist na si Christian Monsod.
Ulat ni: Mean Corvera