Constitutionality ng intel at confidential funds, kinuwestiyon sa SC
Hiniling sa Korte Suprema ng grupo ng 50 petitioners na kinabibilangan ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio na mabuklat ng publiko maging ang pinagkagastusan ng confidential at intelligence funds.
Sa mahigit 40 -pahinang petisyon, hiniling ng petitioners sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang mga kautusan at panuntunan na nagbabawal sa public disclosure ng pinaggamitan ng intel at confidential funds.
Partikular sa mga ito ang Executive Order Number 2 noong 2016 ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang Joint Circular Number 2015-01 ng Commission on Audit.
Iginiit ng isa sa mga petitioner na si Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio na nilalabag ng E.O. at sirkular ang right to information at full public disclosure ng mga pinagastusan ng pondo ng bayan na nakasaad sa Saligang Batas.
Katwiran pa ng petitioners, hindi batas na ipinasa ng dalawang Kongreso ang joint circular at executive order.
Panghihimasok din anila ang mga ito sa kapangyarihan ng lehislatura.
Binigyang -diin pa ng dating mahistrado na dapat ay may batas na maglilimita sa pagbuklat sa mga pinaglalaanan ng confidential funds.
Pero dahil sa walang batas ay dapat aniyang malaman at ihayag sa taumbayan kung saan napunta ang confidential funds.
Nilinaw ng petitioners na ang petisyon ay hindi lang ukol sa isyu sa confidential funds ng Office of the Vice President kundi sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na may confidential funds.
Wala pa namang pahayag ang panig ng Office of the Vice President na isa sa mga respondent sa petisyon.
Binanggit kasi sa petisyon na ikinatwiran ng OVP ang EO 2 at ang joint circular para hindi isapubliko ang pinaggamitan ng confidential funds nito noong 2022.
Moira Encina