Constitutionality ng paglipat ng P125M confidential funds sa OVP, kinuwestiyon sa SC
Wala umanong legal na batayan ang ginawang paglipat ng P125 million na Confidential funds sa Office of the Vice President mula sa Contigency funds ng Tanggapan ng Pangulo noong 2022.
Ito ang iginiit ng petitioners na dumulog sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang transfer ng pondo.
Sa mahigit 40- pahinang petition for certiorari, hiniling ng petitioners sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Saligang Batas ang transfer ng confidential funds sa OVP.
Iginiit ng petitioners na panghihimasok ito sa legislative power dahil ang Dalawang Kapulungan ng Kongreso lang ang may tanging kapangyarihan na maglaan at mag-apruba ng budget.
“Yung paglagay ng budget item is really a legislative act na ang Kongreso lang ang pwedeng gumawa nun dahil hindi ng kongreso pero binigyan ng budget na wala namang item [jump to] that purely legislative act cannot be delagated to the executive department. Ang pwede lang gawin ng executive department ay sundan ang instruction ng batas” bahagi ng Opening Statement ni Atty. Ray Paulo Santiago
Ipinunto pa sa petisyon na walang isinabatas na budget ang Kamara at Senado para sa confidential funds ng OVP noong 2022.
Katwiran pa sa petisyon, walang kapangyarihan ang ehekutibo na gumawa ng bagong budget item.
Ang confidential funds din anila ay hindi kabilang sa bago o urgent activities ng mga ahensya ng gobyerno kung saan pinapahintulutan na magamit ang contingency fund.
Kaugnay nito, inihirit din ng petitioners na ibalik sa National Treasury ang P125 million dahil sa wala sa batas ang paggamit nito.
Kasama sa pinasasagot sa petisyon ang Office of the Vice President, Office of the Executive Secretary at Department of Budget and Management.
Moira Encina