Construction company at limang iba pang kumpanya kinasuhan ng BIR ng tax evasion sa DOJ dahil sa halos 82 milyong pisong utang sa buwis
Halos walumput -dalawang milyong piso na utang sa buwis ang hinahabol ng BIR sa construction firm at limang iba pang kumpanya.
Ipinagharap ang anim na kumpanya ng reklamong tax evasion ng BIR sa DOJ.
Una sa kinasuhan Anglobuilders Construction and Development Incorporated at ang mga corporate officers nito dahil sa hindi binayarang buwis noong 2013 na 41.36 million pesos.
Umaabot naman sa 6.98 million pesos ang tax liability ng Citistar Transport na may business address sa Cubao, Quezon City dahil sa bigong mabayarang buwis noong 2010.
Sinampahan din ng tax evasion complaint ang Dimanche Quality na nasa import and export business sa Project 6, QC dahil sa tax deficiency noong 2013 na 6.69 million pesos.
Nasa 2.25 million pesos naman ang di nabayarang buwis noong 2011 ng Healthy You sa EDSA, Mandaluyong City.
Kabuuang 13.79 million pesos naman ang tax liability noong 2011 ng Inter-Network na nasa trading ng agricultural and industrial products sa Pasig City.
Ipinagharap din ng asunto ang Rishamae Fastruck mula sa Angono,Rizal dahil sa utang sa buwis na 4.98 million pesos noong 2009.
Ayon sa BIR Quezon City, inabisuhan na nila ang mga kumpanya ng kanilang pagkakautang pero bigo pa rin ang mga ito na magbayad.
Ulat ni Moira Encina