Containerized urban agriculture and gardening training, isinagawa sa Dapitan City
Nagsagawa ng dalawang araw na pagsasanay ang Kagawaran ng Agrikultura sa mga kalahok mula sa iba’t-ibang barangay sa lungsod ng Dapitan sa Zamboanga del Norte, kaugnay ng “Containerized Urban Agriculture and Gardening Project.”
Layon nito na makapagturo kung paano magtanim at magpalago ng pang-araw-araw na pagkain, laluna’t panahon ngayon ng pandemya.
Patuloy sa pagtaas ang bilang ng populasyon ngunit bumababa naman ang bilang ng mga magsasaka na nagtatanim ng mga produktong pagkain, na nagiging sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa World Health Organization, marami ang nagkakasakit dahil sa kontaminasyon sa pagkain, kaya’t mas mainam na magkaroon para sa sarili ng ligtas na pagkain, yamang may pondo naman mula sa gobyerno upang maturuan kung paano pararamihin o pataasin ang produksyon ng mga gulay kahit sa maliit lamang na lugar.
Ayon sa supervising officer ng proyekto na si Eugenio Endrina, Jr., ang nasabing training ay malaking tulong sa pang-araw-araw na pangangailangan lalo na’t wala itong kemikal sapagkat ito ay organiko at makakatulong sa pagsugpo ng malnutrisyon.
Ipinarating naman ni konsehal Ronie Jarapan ang mensahe ni Mayor Rosalina Jalosjos, kung saan sinabi nito na ang puspusang pagsisikap ng mga kawani sa agrikultura ay lumikha ng isang paraan upang malabanan ang kahirapan ng buhay.
Inaasahan din ng alkalde na paiigtingin ng departamento ng agrikultura ang kanilang serbisyo upang mas marami pa ang matulungan at mabigyan ng dagdag kaalaman sa makabagong paraan ng pagtatanim, at nang makinabang ang mga mamamayan sa lungsod.
Ayon naman kay Provincial APCO George Vallente, ang training workshop ay isinagawa sa Region 9 sa mga lungsod ng Dapitan, Dipolog, Zamboanga, Pagadian at maging sa bayan ng Ipil Zamboanga Sibugay, upang maturuan kung paano magkaroon ng produksyon ng mga gulay kahit nasa urban area.
Pinasalamatan din niya ang tanggapan ng agrikultura ng Dapitan para sa pagiging maagap, at sa kanilang kooperasyon sa pagsasagawa ng mga proyekto sa agrikultura sa ilalim ng pagsisikap ni Mayor Nene Jalosjos at ni City Agriculturist Cyril Patangan.
Lorie Mira