Contractors na gustong maging whistleblower sa umano’y maanumalyang budget allocation ng DBM, dumami – Cong. Andaya
Kinumpirma ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na dumarami na ang mga contractors mula sa Bicol Region na nais maging whistleblower kaugnay sa umano’y maanomalyang budget allocations ng Department of Budget and Management.
Ayon kay Andaya, matapos ang ginawang pagdinig sa Naga City ay maraming contractor ang kumausap sa kanya para patunayan na gumagamit ng dummies ang Aremar Construction Corporation para makuha ang ilang government projects.
Sa katunayan, mahigit limampung milyong piso na umano mula sa flood control scam ang naibulsa ng construction company kung saan major stockholder ang pamilya Hamor.
Kaugnay nito ay hawak na umano ni Andaya ang bank transaction receipts na nagpapakitang umabot na sa plunder ang ginawa ng Aremar, kasama na ang mahigit 11 million pesos na idineposito ng CT Leoncio Construction.
Makikipag-ugnayan rin aniya siya sa Bureau of Internal Revenue para ipasuri ang tax payments ng Aremar upang malaman kung nagmamatch ito sa income na pumapasok sa bank accounts nito.
Ulat ni Madz Moratillo