Cordillera Mountains, isasailalim sa rehebilitation, Boracay type employment type program, ipatutupad sa mga mawawalan ng trabaho ayon sa Malacañang
Paiiralin ng gobyerno sa Cordillera Administrative Region o CAR ang sistemang ipinatupad sa Boracay para sa mga mawawalan ng trabahong small scale miners.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kabisado na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang sistema kaya hindi na mahihirapan sa pagbibigay ng emergency employment sa mga mawawalan ng trabaho sa CAR.
Hindi naman masabi ni Roque kung hanggang kailan ipatutupad ni DENR Secretary Roy Cimatu ang moratorium sa lahat ng small scale mining operations sa CAR dahil sa naganap na madugong landslide sa Itogon Benguet sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong na ikinamatay ng maraming minero.
Ayon kay Roque ang importante ay wala munang mining operation para mabigyan ng pagkakataon ang Cordillera mountains na makarekober sa sinapit na matinding pinsala dahil sa dami ng mga naghuhukay na mga small scale mining operators.
Inihayag ni Roque habang walang hanapbuhay ang mga small scale miners susuportahan sila ng gobyerno sa pamamagitan ng cash for work program.
Kabilang sa alok na trabaho ng gobyerno sa mga minero ay ang vegetable farming o pagtatanim ng mga gulay at punongkahoy na makatutulong para maging stable ang lupa sa mga bulubundukin ng cordillera.
Sa ngayon ay kinukuha na ng DSWD ang mga pangalan ng mga apektadong small scale miners para maisali sa cash for work program at emergency employment program ng gobyerno.
Ulat ni Vic Somintac
picture ctto: Photos courtesy of PNP-RPIO/Emeldinand Motas