Core Group ng binuong Task Force PhilHealth pangungunahan din ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng kurapsyon sa buong gobyerno
Pinulong na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga matataas na opisyal ng DOJ at NBI kaugnay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang mga paratang ng katiwalian sa buong pamahalaan.
Kasama sa pagpupulong sina Prosecutor General Benedicto Malcontento at NBI OIC Director Eric Distor.
Ayon sa DOJ, tinalakay sa pulong ang pagbuo ng Task Force na magiimbestiga sa mga alegasyon ng kurapsyon sa buong gobyerno, paraan ng pagkalap ng impormasyon ukol sa mga insidente ng katiwalian sa pamahalaan, at ang mga posibleng approach sa imbestigasyon.
Napagkasunduan din sa pulong na ang Core Group ng Task Force na nagiimbestiga sa mga anomalya sa PhilHealth ay ang Core Group din ng Task Force na magiimbestiga sa mga katiwalian sa pamahalaan.
Ito ay binubuo ng DOJ, NBI, Presidential Anti-Corruption Commission, Office of the Special Assistant to the President, National Prosecution Service, at Anti-Money Laundering Council.
Kaugnay nito, agad na ipapatawag ang Core Group at ang lahat ng mga napagusapan sa pulong ay pagtitibayin nito.
Iimbitahan din ng Task Force ang Commission on Audit, Civil Service Commission, at Office of the Ombudsman para makatulong sa malawakang anti-corruption campaign.
Moira Encina