Corporate secretary ng Kapa Community Ministry International, kinasuhan ng BIR sa DOJ ng tax evasion
Sinampahan ng reklamong Tax Evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang corporate secretary ng Kapa Community Ministry International Incorporated na si Reyna Lobitaña Apolinario.
Si Reyna Apolinario rin ang asawa ng founder at Presidente ng Kapa na si Joel Apolinario.
Kabuuang 168.2 million pesos ang buwis na hinahabol ng BIR kay Reyna.
Mga reklamong paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue code ang inihain ng BIR laban kay Reyna.
Napag-alaman ng BIR sa imbestigasyon nito na hindi naghain si Reyna ng income tax returns mula 2012 hanggang 2015.
Naghain naman ng ITR ang respondent noong 2016 pero ang idineklara lamang niya na kita ay mahigit 206,000 pesos.
Noong 2017 ang declared income lang ni Reyna ay mahigit 171,000 pesos habang noong 2018 ay 12.06 million pesos.
Sinabi ng BIR na noong 2018 ang idineklarang beginning capital ni Reyna sa kanyang audited financial statement ay lumobo sa 306.90 million pesos.
Ayon sa BIR, lumalabas na mayroong mahigit 307 million pesos na undeclared income si Reyna noong 2017 kabilang na ang cash na 140 million pesos, luxury vehicles na 27.6 million pesos, heavy equipment na 65.7 million pesos, real properties na 45.1 million pesos at iba pang assets and investment.
Batay naman sa listahan ng LTO, may siyam na sasakyan na nakarehistro sa pangalan ni reynal apolinario noong 2017 at 2018 na hindi nakarehistro sa financial statement na isinumite nito sa BIR.
Lumabas din sa BIR Integrated Tax system na mayroong 13 negosyo si Reyna sa pangalan nito na binubuo ng retail construction materials/garments/metals, gasoline stations, convenience stores, computer and printing services, quarry, convention center, fishing boat, bakeshop & refreshment, media & marketing network at hotel.
Ayaw namang magsalita ng bir kung may hiwalay na imbestigasyon sila sa posibleng tax liability ng iba pang Kapa officials.
Ulat ni Moira Encina