Cotabato City binaha dahil sa malakas at tuloy tuloy na ulan kagabi
Pinasok ng tubig baha kahit ang mga bahay na nasa matataas na barangay, na ayon sa mga residente ay ngayon pa lang nangyari sa kanilang lugar sa loob ng mahabang panahon.
Naranasan ang mga pag-ulan sa Cotabato City at mga karatig na bayan at lalawigan sa Central Mindanao, dala ng inter-tropical convergence zone dahil sa bagyong Crising.
Catch basin din ang Cotabato City ng mga karatig na lalawigan, kaya mabilis ang pagtaas ng tubig sa loob lamang ng dalawang oras na tuloy tuloy na pag-ulan.
Bagama’t humupa agad ang tubig baha sa ilang matataas na lugar, nanatili pa ring lubog sa baha ang ilang low-lying barangays.
Samantala, apektado rin ng pagbaha ang mga bayan sa Maguindanao na nakapalibot sa Liguasan Marsh area gaya ng Datu Odin Sinsuat, Nothern Kabuntalan, Sultan Kudarat, Talitay, Datu Piang, Datu Salibo, Sultan sa Barongis, Gen SK Pendatun, Mamasapano, Pagalungan at Datu Montawal at ang mga bayan sa North Cotabato tulad ng Pikit, Mlang, Matalam, Kabacan, Aleosan, Midsayap, Libunga, at Pigcawayan.
Ulat ni Odessa Cruz