Court of Appeals binaligtad ang pagsibak ng Ombudsman kay dating Makati City mayor Junjun Binay
Binaligtad ng Court of Appeals ang pagsibak ng Office Ombudsman kay Dating Makati Mayor Junjun Binay kaugnay sa sinasabing maanomalyang konstruksyon ng Makati City Hall Parking Building.
Sa 159-pahinang desisyon ng CA Tenth Division na isinulat ni Associate Justice Edwin Sorongon, kinatigan nito ang petisyon ni Binay at ibinasura ang reklamong administratibo na isinulong ng Ombudsman laban dito.
Ayon sa CA, moot and academic na ang reklamo laban kay Binay dahil ang pinagbatayan ng reklamo ay saklaw pa ng condonation doctrine.
Bagamat inabandona na raw ng Supreme Court ang condonation doctrine noong November 2015 dahil sa kawalan ng basehan sa Saligang Baras, ang desisyon daw ito ng Korte Suprema ay “prospective” ang magiging porma ng aplikasyon ng desisyon.
Ibig sabihin ay maari lamang daw ang ipatupad ang pag-abandona sa condonation doctrine sa mga kaso na isinulong lagpas sa November 2015.
Kaya hindi raw pwedeng patawan ng parusa si Binay sa mga sinasabing paglabag na nangyari bago napawalang-bisa ang condonation doctrine.
Sa ilalim ng condonation doctrine, kapag ang isang opisyal ay muling nahalal, hindi siya maaring disiplinahin sa administratibong paglabag na kanyang nagawa sa nakaraang termino.
Ulat ni Moira Encina