Court of Appeals pinagtibay ang desisyon ng Ombudsman na sibakin sa pwesto at idiskwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno si dating Makati City Mayor Junjun Binay.
Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng Office of the Ombudsman na sibakin at idiskwalipika sa paghawak sa anumang posisyon sa gobyerno si dating Makati City Mayor Junjun Binay.
Kaugnay ito sa maanomalyang bidding para sa konstruksyon ng Makati City Science High School Building noong 2007.
Sa consolidated petition na isinulat ni CA Justice Ronaldo Roberto Martin, napatunayan nitong guilty ng serious dishonesty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service si Binay partikular sa Phase VI ng MSHS Building.
Dahil dito, pinagtibay ng CA ang parusang dismissal at perpetual disqualification from holding public office na ipinataw ng Ombudsman laban kay Binay.
Ayon sa CA, hindi nasunod ang isinasaad sa procurement law na dapat ilathala o i-advertise ang invitation to bid para sa mga kontrata na nasa ilalim ng competitive bidding.
Inakusahan ng Ombudsman sa ruling nito na nakipagsabwatan si Binay sa mga kapwa akusado nito para ipalsipika ang bidding documents sa proyekto at itago ang ilang impormasyon sa iba pang bidders para maigawad agad ang kontrata sa Hillmarc’s Construction Corporation.
Samantala, ibinasura ng CA ang tatlong administratibong reklamo laban kay Binay batay sa condonation doctrine.
Ulat ni Moira Encina