Court of Appeals pinagtibay ang nauna nitong desisyon na nagdedeklarang regular employees ang mga talent ng GMA-7

Ibinasura ng Court of Appeals ang Motion for Reconsideration na inihain ng Broadcasting network na GMA at CEO  na si Felipe Gozon laban sa ruling nito na nagdedeklarang regular na empleyado ang mga talent ng GMA.

Sa dalawang pahinang resolusyon ng CA former special fourteenth division, pinagtibay nito ang nauna nilang desisyon noong Pebrero pabor sa 101 kawani ng GMA.


Ayon kay CA Justice Zenaida Galapate- Laguilles, walang bagong argumento na iprinisinta ang GMA network para baligtarin ang kanilang desisyon.

Sa CA ruling noong Pebrero, kinatigan nito ang desisyon ng National Labor Relations Commission na nagsasabing regular employees ang mga talent ng GMA.

Sinabi ng CA na kapag mahalagang bahagi sa negosyo ng kumpanya at ang mga kawani ay wala nang ibang pinagtatrabahuhan sila ay maituturing na regular na empleyado.

Binigyang bigat ng Appellate Court ang pahayag ng mga GMA workers na bahagi ng kanilang kontrata ay ang exclusivity clause na nagbabawal sa kanila na magserbisyo sa ibang kumpanya.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us: