Court of Appeals, pinal na ibinasura ang apela na payagang kuhanan ng out-of-court testimony si Mary Jane Veloso


Nanindigan ang Court of Appeals o CA sa nauna nitong desisyon na huwag payagan ang pagkuha ng deposition o out-of-court testimony sa Pinay na si Mary Jane Veloso na nahatulan ng death penalty sa Indonesia dahil sa Drug Trafficking.

Sa walong pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Bato Jr,  ibinasura ng CA Former Eleventh Division ang Motion for Reconsideration na inihain ng Office of the Solicitor General o OSG.

Ayon sa CA, walang merito ang apela ng OSG dahil malinaw sa Saligang Batas na karapatan ng akusado na personal na makita ang mga testigo laban dito kaya ang pagtatanong ng isang testigo ay dapat na gawin sa harap ng hukom sa loob ng Korte.

Karapatan at bahagi ng due process din anila ng kalabang partido na maisalang sa cross examination ang testigo laban sa kanila.

Iginiit pa ng CA na sa mga kriminal na kaso ay walang batas o patakaran na pumapayag sa pagkuha ng deposition sa pamamagitan ng written interrogatories.

Tanging ang conditional examination lamang anila sa ilalim ng Section 15, Rule 119 ng Revised Rules of Criminal Procedure ang pinapayagan pero ito ay dapat nasa presensya ng mga akusado sa korte kung saan nakabinbin ang kaso at hindi ang deposition.

Ang deposition ay gagamitin sana sa kasong inihain ng DOJ laban sa mga itinuturong recruiters ni Veloso na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na parehong nahaharap sa kasong large scale illegal recruitment.

Pinayuhan naman ng CA ang OSG kung paano makakatestigo si Veloso sa kaso laban sa kanyang hinihinalang recruiter.

Alinsunod na rin anila sa Article 15 ng Treaty on Mutual Legal Assistance in Criminal Matters kung saan signatories ang Pilipinas at Indonesia, maari hilingin ng gobyerno ng Pilipinas sa pamahalaan ng Indonesia na payagan si Veloso na pansamantalang bumiyahe sa Pilipinas para makatestigo sa korte sa bansa.

Nahatulan si Veloso ng parusang bitay noong October 2010 sa Indonesia pero hindi muna itinuloy ang pagbitay sa kanya dahil itinuturing ng Pilipinas na siya ay mahalagang testigo sa reklamong human trafficking laban sa kanyang mga recruiter.

Ulat ni Moira Encina
Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *