COVID-19 cases, inaasahan pang bababa dahil sa Molnupiravir
Inaasahang lalo pang bababa ang mga naitatalang kritikal na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa mga susunod na araw matapos na simulan na ang pagpapagamit sa mga pasyente ng gamot na Molnupiravir sa ilang ospital partikular na sa Lungsod ng Maynila.
Ang Molnupiravir ang kauna-unahang oral anti-viral drug sa buong mundo na kinilalang epektibo laban sa mild to moderate COVID-19 cases.
Ang Lungsod ng Maynila naman ang unang Local Government Unit (LGU) sa bansa na nakabili ng Molnupiravir (Molnarz™) na idineliver ng Faberco Life Sciences, Inc sa isang seremonya na ginanap sa Maynila COVID-19 Field Hospital sa Luneta noong Nobyembre 23, 2021 na dinaluhan nina Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna, at Doc Willie Ong,
Ang unang batch ng nasabing gamot ay inilaan para magamit sa Santa Ana Hospital sa bisa ng Compassionate Special Permit (CSP) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA).
Ang Molnupiravir ang unang oral na antiviral drug laban sa banayad hanggang katamtamang kaso ng COVID-19 upang hindi na lumubha pa ang pasyente at hindi na kailangang magpa-ospital.
Mas madali ring gamitin ang gamot dahil ito ay iniinom at hindi ini-iniksyon.
Bagama’t hindi pa commercially available ang Molnupiravir (Molnarz™) , ipinamamahagi naman ito ng Faberco Life Sciences, Inc. kasama ang RiteMED, sa mga ospital, medical institutions, at treatment site sa ilalim ng “compassionate use” ng FDA na nagpapahintulot sa mga institusyon upang bumili at mamahagi ng mga produktong pinag-aaralan, o habang hinihintay pa ang approval for immediate use, para sa mga sitwasyong pang-emergency.