Covid-19 cases, posibleng maitala na lamang sa 1,000 kung mananatili sa Alert level 4 ang NCR
Posibleng bumaba sa 1,700 ang maitatalang bagong kaso ng Covid-19 kada araw sa National Capital Region hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Ito ang pagtaya ng Department of Health kung patuloy na paiiralin ang Alert level 4 sa NCR hanggang sa katapusan ng buwan.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, batay sa kanilang projection, naglalaro naman sa 2,500 new cases kada araw ang maaaring maitala sa NCR hanggang sa Oktubre 15 dahil sa patuloy na pagsailalim rito sa Alert level 4.
Habang ang active cases naman aniya sa NCR hanggang Oktubre 15 ay maaaring umabot sa 19,792 at bumaba pa sa 10,100 naman sa katapusan ng buwan.
Sinabi ni Vergeire na kung ibababa nila sa Alert level 3 ang NCR, nasa mahigit 3,000 bagong kaso kada araw ang maaaring maitala habang mahigit 20,000 naman ang active cases.
Sa ngayon nananatili aniyang nasa moderate risk ang NCR maging ang health system capacity nito.
Pero may 3 rehiyon ang binabantayan ngayon ng DOH dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Ito ang Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Zamboanga Peninsula.
Ang Average Daily Attack Rate (ADAR) aniya sa CAR ay 49.55 habang ang Covid-19 bed utilization rate rito ay 86.85% at 85.47% naman ang ICU utilization rate, habang 72.62% naman ng kanilang mechanical ventilators ang okupado.
Sa Cagayan Valley naman ay nasa 35.12 ang ADAR habang ang bed utilization rate ay 79.69% at 76.88% naman ang ICU utilization rate at 75.63% naman ng kanilang mechanical ventilators ang nagamit na.
Sa Zamboanga Peninsula naman, ang ADAR ay 9.83 habang ang bed utilization rate ay 70.16%, 88.41% ang ICU utilization at mechanical ventilator utilization rate naman ay 62.22%.
Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na nananatili pa ring nasa moderate risk ang Covid 19 infection ang Pilipinas.
Ang Covid-19 beds aniya sa bansa sa kabuuan ay 56.43% nalang ang okupado, ang mechanical ventilators naman 50,11% ang ginagamit.Bahagya namang tumaas ang ICU utilization rate na nasa 70.43%.
Paalala naman ng DOH sa publiko, huwag maging kampante.
Madz Moratillo