COVID-19 cases sa bansa, umakyat na sa 122,754
Umabot na sa 122,754 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID- 19 sa bansa matapos makapagtala ang Department of Health ( DOH ) ng 3,379 na mga bagong kaso virus infection.
Mayorya ng mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR ) na umabot sa 1,846 new cases.
Sinundan ng Rizal na may 314, Laguna 276, Cavite 145, at Quezon 66 na mga bagong kaso.
Kapansin pansin namang nawala na sa top 5 ng may pinakamaraming kaso ang Cebu.
May 96 namang naiulat na bagong gumaling sa COVID- 19.
Dahil dito, aabot na ngayon sa 66,852 ang kabuuang bilang ng nakarekober sa sakit sa bansa habang may 24 naman na bagong naiulat na nasawi dahil sa virus.
Ayon sa DOH, sa 24 na nasawi, isa ay ngayong Agosto, 4 noong Hulyo, 8 noong Hunyo, 8 noong Mayo, isa noong Abril at dalawa noong Marso.
Sa ngayon, umakyat na sa 2,168 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19.
May 85 namang inalis ang DOH mula sa kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 na kanilang naiulat kasunod ng kanilang nagpapatuloy na validation at paglilinis sa kanilang listahan.