COVID-19 infection mas naiiwasan matapos ang 2nd dose ng bakuna
Aminado ang Food and Drug Administration na may mga nabakunahan na kontra COVID-19 dito sa bansa ang nagpopositibo parin sa virus.
Ayon kay FDA Dir. Gen. Eric Domingo, batay sa kanilang monitoring sa mahigit 3.7 milyong nakatanggap ng 1st dose ng bakuna ng Sinovac ay 173 ang nagpositibo sa COVID 19 habang 11 ang nasawi.
Pero sa mga nakatanggap ng 2nd dose ng Sinovac Vaccine, 27 nalang ang tinamaan ng virus habang wala ng nasawi.
Sa mahigit 2.1 milyon namang nakatanggap ng unang dose ng bakuna ng AstraZeneca, 188 ang nagpositibo sa COVID- 19 habang 11 ang nasawi.
Habang bumaba naman sa lima ang naitalang nagpositibo sa virus matapos makatanggap ng pangalawang dose ng Astrazeneca vaccine at wala naring naiulat na nasawi.
Sa mahigit 321 libong naturukan naman ng 1st dose ng bakuna ng Pfizer, 5 ang nagpositibo sa COVID- 19 habang walang naiulat na nasawi.
Matapos makatanggap ng second dose ng bakuna, wala naring naiulat na nagpositibo sa virus.
Sa mahigit 61 libo namang nakatanggap ng unang dose ng Sputnik V, 5 ang nagpositibo sa virus, wala namang naiulat na nasawi.
Habang may 1 lamang ang naiulat na nagpositibo sa COVID- 19 sa mga nakatanggap ng second dose ng Sputnik V.
Ayon kay Domingo, kung pagbabatayan ang bilang na ito, makikita na malaki ang naitutulong ng bakuna para mapigilan ang pagdami ng mga kaso ng Covid-19.
Pero kahit naman fully vaccinated na paalala ni Domingo, mahalagang maging maingat at huwag maging kampante.
Pagtiyak ni Domingo, ligtas at epektibo lahat ng COVID-19 vaccine na kanilang binigyan ng Emergency Use Authorization para magamit dito sa bansa.
Sa katunayan, sa report ng National Adverse Events Following Immunization Committee, wala pa sa 1 porsyento ng mga nabakunahan ang nakaranas ng adverse effects.
Sa .6% adverse effects na kanilang naiulat karamihan rito ay mild
.Ilan sa pangkaraniwang adverse effects ay pagtaas ng blood pressure, pananakit sa injection site, pananakit ng ulo, lagnat, pagkahilo, rashes, at respiratory symptoms.
May ilan naman aniya ang naiulat na nakaranas ng allergic reaction, eye and ear symptoms, nawawalan ng gana sa pagkain, anxiety at iba pa.
Kahit naman wala pang naiulat sa bansa, binabantayan din aniya nila ang ilang rare adverse events gaya ng blood clotting para sa Astrazeneca at Myocarditis para sa mga MRNA vaccines.
Madz Moratillo