Covid-19 response sa 2021 nalagay sa alanganin dahil sa mga pangyayari sa Kamara
Magpapalala lamang ng kasalukuyang krisis sa ekonomiya na nararanasan ng bansa dahil sa COVID-19 kung magkakaroon ng re-enacted budget para sa 2021.
Paliwanag ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin, dating chairperson ng House Committee on Economic Affairs, ang 2020 budget ay hindi naman nakaprograma para sa covid-19 response.
Giit ni Garin kung mare-reenact ang 2020 national budget na P4.1 trillion ay mababa ito ng 10 porsyento at hindi rin COVID responsive.
Napakakritikal aniya ng papel ng Kongreso sa kabuhayan ng mga Filipino kaya naman nakikiisa sya sa maraming mambabatas na nananawagan kay House Speaker Alan Peter Cayetano na ipagpatuloy ang sesyon ng Kamara at buksan ulit ang plenary deliberations para sa P4.5-trillion 2021 proposed national budget.
Giit ni Garin kay Cayetano, huwag nang hilahin ang bansa pababa dahil lamang sa isyu ng house Speakership.
Nabatid na sa Oktubre 14 ay dapat nang bumaba si Cayetano at ipasa ang liderato kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco batay sa kanilang term sharing agreement.
Madz Moratillo