COVID-19 saliva tests sa Pilipinas, aprubado na ng DOH
Inaprubahan na ng Department of Health (DOH), ang pagsasagawa ng saliva testing para sa COVID-19, habang inilunsad naman ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang saliva testing nitong Lunes, Enero 25.
Gayunman, sinabi ng DOH na tanging ang PRC lamang ang awtorisadong magsagawa ng saliva tests para sa COVID-19.
Una rito ay itinalaga ng PRC ang kanilang Logistics and Multi-Purpose Center sa Mandaluyong, at ang laboratoryo nito sa Port Area sa Maynila, bilang saliva testing facilities.
Ang paunang halaga ay P2,000. Mas mura kumpara sa regular na RT-PCR swab tests.
Maaari namang gawin online ang pagpapa-book para sa saliva tests.
Ang aplikasyon ng PRC para sa saliva tests ay inaprubahan ng DOH, matapos ang isang linggong pilot testing na isinagawa ng Red Cross.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na iprinisinta na ng PRC ang resulta ng kanilang pilot tests sa DOH experts panel.
Ayon kay Vergerie, nagkasundo ang laboratory experts panel na puwede na itong payagan, kaya agad nilang ibinigay ang rekomendasyon sa kalihim ng kalusugan at ipinarating sa PRC, na puwede nangg gamitin ang saliva bilang alternative specimen.
Aniya, sa ngayon efficacyay tanging ang PRC lang ang pwedeng magsagawa ng saliva tests. Kakailanganin pa ng validation mula sa Research Institute of Tropical Medicines (RITM), bago makapagsagawa ng saliva tests ang iba pang mga laboratoryo.
Isang milliliter lang ng saliva ang kailangan para sa test. At ang pasyente ay hindi dapat magmumog o manigarilyo, tatlumpong minuto bago sumailalim sa tests. Makalipas ang tatlong oras, ay maaari nang malaman ang resulta.
Simula pa noong Oktubre ng nakalipas na taon, ay inirekomenda na sa DOH ni PRC chair Senator Richard Gordon ang paggamit ng saliva-based RT-PCR test, dahil pareho lang ang efficacy rate nito sa nasopharyngeal swab tests.
Dagdag pa ni Gordon, hindi na nga rin kailangan ng health care worker na magsasagawa ng test, na magsuot ng personal protective equipment o PPE.
Liza Flores