COVID-19 status sa Bulacan bumaba
Iprinisinta ni Dr. Hjordis Celis, tagapagsalita at officer-in-charge ng provincial task force on COVID-19 ng Dept. of Health o DOH-Bulacan, ang estado ng COVID-19 sa ika-7 sesyon ng pamahalaang panlalawigan na isinagawa online.
Ikinatuwa naman ni Bulacan governor Daniel Fernando, ang malaking pagbaba sa kaso ng COVID-19 sa kaniyang nasasakupan.
Ayon sa epicurve ng provincial task force on COVID-19, nasa 4,189 o 89% ang naitalang kaso mula Marso 28 hanggang Abrol 10, 2021.
Subalit bumaba ito noong Abril 11 hanggang May 24, kung saan ang kabuuan ay 3, 479 o nasa 17% na lamang.
Ayon sa gobernador, magandang senyales ito ngunit kailangan pa rin aniyang sumunod ang bawat mamamayan sa ipinatutupad na health and safety protocols para makaiwas sa virus.
Ayon kay Celis, mas lamang ng kaunti ang bilang ng mga babae na nahawaan ng virus na nasa 13, 833 o 51% kumpara sa mga lalaki na ang kabuuang bilang ay 13, 501 o 49% lamang.
Batay ito sa data ng bawat bayan at siyudad sa Bulacan.
Nananatili namang nasa high risk area ang Pulilan at San Ildefonso, habang nasa moderate level ang mga bayan ng Guiginto, Malolos, San Miguel, Angat, Bustos, Paombong, Bulakan, at Calumpit.
Normal level naman ang mga bayan ng San Rafael, San Jose del Monte, at Sta. Maria.
Subalit sa datos ng aktibong kaso sa buong lalawigan, ay nangunguna ang San Jose del Monte, sumunod ang Malolos at ang Sta. Maria.
Paliwanag ni Celis, ang mga bayan o siyudad na nabanghit ay malapit sa national capital region o NCR, at marami sa kanila ang nagtatrabaho sa Metro Manila.
Kung ikukumpara aniya ang datos sa kaso ng COVID-19, ang Bulacan aniya ang pinaka may mababang kaso kumpara sa mga karatig lalawigan na nasa NCR plus bubble.
Samantala, pinabulaanan ni Fernando ang maling alegasyon hinggil sa kanyang paraan ng paglaban sa pandemya.
Nilinaw ng gobernador, na ginagampanan lamang niya ang kaniyang trabaho maging ng mga nanunungkulan sa Bulacan.
Aniya, ang ginawa niyang pag-endorso sa isang produkto ay bahagi ng kaniyang pagiging artista at walang kinalaman sa pulitika.
Dagdag pa ng gobernador, gagawa sila ng isang executive order against misinformation, upang mapigilan ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa kanilang lalawigan.
Ulat ni Jim Tejano