COVID-19 testing facility, binuksan sa Mauban,Quezon

Pinasinayaan ng DOH CALABARZON at ng lokal na pamahalaan ng Mauban, Quezon ang COVID-19 testing facility sa lugar.

Matatagpuan ang Mauban Municipal Health Office Molecular Laboratory sa Brgy. Bagong Bayan.

Ayon kay Assistant Regional Director Paula Paz Sydiongco, ang molecular laboratory sa Mauban ang pinakamalaking testing facilty sa rehiyon.

Kumpleto aniya ito ng administrative office, supply room, stock room at swabbing area.

Courtesy: DOH CALABARZON

Ang main processing area aniya ng laboratoryo ay binubuo ng limang kuwarto na specimen receiving room, specimen handling room, preparation room, encoding, at evaluation room.

Sinabi pa ng opisyal na kayang magproseso ng pasilidad ng 180 hanggang 200 specimen kada araw na may turnaround na dalawang araw.

Ilan sa mga equipment na naka-install sa loob ng pasilidad ay dalawang polymerase chain reaction cabinet, dalawang hp series lab combination refrigerator and freezer, airstream class 2 biological safety cabinet, streamline class 2 biological safety cabinet, lexicon 2 ultra-low temperature freezer, hp series lab freezer, at hp series lab refrigerator.

Inihayag ni Sydiongco na ang pasilidad ay hindi lamang para sa COVID testing kundi para rin sa molecular test ng ibang pathogens tulad ng influenza at iba pang mga sakit.

Ang Mauban Molecular Laboratory ay may biosafety level 2 certification at nakatugon sa regulasyon na itinakda ng Health Facility and Regulatory Office.

Binigyang-diin ng DOH na lubhang mahalaga ang molecular laboratory sa epidemiology at infection control programs para sa pagtukoy at surveillance ng mga nakakahawang sakit.

Moira Encina

Please follow and like us: