COVID-19 tests para sa mga alagang hayop, inilunsad ng Seoul
SEOUL, South Korea (AFP) — Iniaalok na rin sa mga alagang pusa at aso na may lagnat, ubo o nahihirapang huminga ang coronavirus tests, kung sila ay na-expose sa mga carrier.
Ayon sa Seoul metropolitan government, ang programa ay inilunsad ilang linggo matapos mapaulat ang kauna-unahan nilang kaso ng COVID-19 infection sa hayop na kinasasangkutan ng isang kuting.
Sinabi ni Park Yoo-mi, isang Seoul city official na nangangasiwa ng disease control, simula nitong Lunes, Feb. 8 ay mag-aalok na rin ang Seoul Metropolitan Government ng coronavirus tests para sa mga alagang pusa at aso.
Aniya, ang tests ay limitado lamang sa mga alagang nagkaroon ng sintomas, gaya ng lagnat, ubo, nahihirapang huminga at may runny noses, matapos magkaroon ng contact sa taong nagpositibo sa virus.
Ayon kay Park, ang test ay gagawin ng isang team ng health workers na kinabibilangan ng isang beterinaryo, malapit sa bahay ng alagang aso o pusa.
Ang aso o pusa na magpopositibo ay kailangang i-isolate ng 14 na araw sa loob ng kanilang bahay, ngunit kung ang may-ari ay may virus din, ang kanilang alaga ay kailangang ilipat sa bukod na kulungan. Sa pangkalahatan, ang mga taga South Korea ay ikino-confine sa central quarantine facilities kung hindi nila kailangan ng hospital treatment.
Sa buong mundo, ilang mga hayop kabilang ang mga aso at pusa, ang nagpositibo na rin sa virus na ikinamatay na ng higit dalawang milyong katao.
Hindi bababa sa dalawang gorilya sa San Diego Zoo sa California, ang nagpositibo nitong nakalipas na buwan, at pinaniniwalaang nahawa sila sa isang asymptomatic zoo worker.
Sa Denmark, na pinakamalaking producer ng mink fur, ay isang outbreak ng mutated version ng coronavirus ang nangyari sa mink farms noong 2020, na nagbunsod upang patayin ang lahat ng mink doon.
© Agence France-Presse