COVID-19 Vaccination Program sa bayan ng Diffun, tinalakay sa local health board meeting
Naging paksa ng usapan ang COVID-19 Vaccination Program sa bayan ng Diffun, Qurino province, sa isinagawang local health board meeting para ngayong taon ng 2021.
Tinalakay ni Municipal Health Officer, Dr. Eden G. Pata ang National Deployment and Vaccination Plan kabilang na ang iba’t ibang layunin, estratehiya at mga pamamaraan kung papaanong matagumpay na maisasagawa ang COVID-19 Vaccination Program.
Aniya, uunahin mula sa eligible population ang frontline health workers, indigent senior citizens, remaining senior citizens, remaining indigent population, uniformed personnel, at panghuli ang mga nasa category 6 na kinabibilangan ng mga empleyado ng local government unit (LGU) at staff ng Department of Education (DEPED).
Ipinakita rin sa naturang pagpupulong ang magiging kaayusan ng vaccination site at ang kabuuan ng vaccination post, kung saan bubuuin ito ng 3 teams na siyang mamamahala sa mga mababakunahan.
Samantala, nakatakda ring magsagawa ng Stakeholder’s Meeting na pangungunahan ni Punongbayan May G. Calaunan, upang hingin ang tulong ng iba pang mga pribado at pampublikong doktor at nurses sa bayan.
Ulat ni Edel Allas