Covid-19 vaccination sa Maynila muling ipinagpatuloy pero para sa A1 at A2 category lamang
Muling ipinagpapatuloy ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa Maynila ngayong araw.
Pero ang puwede lamang magpabakuna, ay ang mga nasa A1 o medical frontliners at kanilang pamilya at A2 o mga senior citizen.
Itinalaga bilang vaccination site ngayong araw ang 6 na District Hospital sa Lungsod na may tig-1,000 doses ng bakuna.
Ito ang Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, Gat Andres Bonifacio Medical Center, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, at Ospital ng Tondo.
Ang oras ng vaccination mula 6:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.
May first dose vaccination rin para sa mga Overseas Filipino Workers sa Manila Prince Hotel.
Pero ayon sa Manila LGU, ito ay para sa mga nagpalistang OFW lamang at bawal ang walk- in.
Maaari silang magpunta para magpabakuna mula 7:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, limitado pa lang ang kanilang nagagamit na bakuna ngayon dahil hindi pa dumarating ang Certificate of Analysis para sa lahat ng Sinovac Vaccine na binili ng lokal na pamahalaan.
Madz Moratillo