Covid-19 vaccine ng Moderna inaprubahan na para magamit sa mga nasa edad 12 pataas
Inaprubahan na rin ng Food and Drug Administration (FDA) na magamit sa mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos ang Covid-19 vaccine ng Moderna.
Ayon kay FDA Dir. Gen. Eric Domingo, matapos ang pag-aaral ng mga eksperto inaprubahan nila na maamyendahan ang Emergency Use Authorization na unang ibinigay sa Moderna.
Ilan naman aniya sa mga kinakailangang bantayan sa mga matuturukan ng Moderna at Pfizer na kapwa mRNA vaccine ay ang posibilidad ng myocarditis na isang uri ng inflammation sa puso.
Paliwanag ni Domingo, mas matimbang ang proteksyon na maaaring ibigay ng bakuna sa mga bata dahil sa epekto ng Delta variant kaysa panganib na maaaring idulot nito.
Ang Moderna vaccine ang ikalawang brand ng Covid 19 vaccine na pinayagan na magamit dito sa bansa para sa mga nasa edad 12 pataas.
Ang una ay ang bakuna ng Pfizer BioNTech.
Madz Moratillo