Covid infection, nagbibigay ng kaparehong immunity gaya ng sa bakuna ayon sa pag-aaral
Lumitaw sa isa sa pinakamalaking pag-aaral na isinagawa tungkol sa Covid -19, na kung ang isang tao ay dating dinapuan ng virus, ang proteksiyon niya laban dito ay tumatagal ng kasingtagal ng gaya ng sa bakuna.
Ayon sa pag-aaral na nalathala sa Lancet journal, sampung buwan pagkatapos dapuan ng Covid, ang mga tao ay mayroon pa ring 88 porsiyentong mas mababang panganib na muling magkaroon nito, ma-ospital o mamatay.
Ibig sabihin ang “natural immunity” na ito ay kasing tagal kung hindi mas mas matagal sa dalawang doses ng Pfizer o Moderna vaccines.
Subalit binigyang diin ng mga may-akda, na ang kanilang findings ay hindi dapat maging dahilan para hindi na magpabakuna, na namamalaging pinakaligtas na paraan para magkaroon ng immunity.
Ang pag-aaral, na pinangunahan ng US-based Institute for Health Metrics and Evaluation (IHME), ay nagsabi na ito ang pinakakomprehensibong pagsusuri sa kung gaano katagal ang proteksyon para sa iba’t ibang anyo ng immunity o kaligtasan sa sakit.
Sinuri ng mga mananaliksik ang 65 mga pag-aaral mula sa 19 na mga bansa hanggang Setyembre 2022, ibig sabihin, ang ilan ay sumaklaw sa panahon nang ang Omicron ay kumakalat sa buong mundo.
Napatunayang mas nakahahawa ang Omicron kaysa sa mga naunang strain, ngunit hindi gaanong malala.
Ayon sa pag-aaral, napansin ng mga taong may natural immunity mula sa isang pre-Omicron variant na ang kanilang proteksiyon laban sa reinfection ay mabilis na nawala para sa early Omicron strains, na bumagsak ng 36% makaraan ang sampung buwan.
Sinabi ni Caroline Stein ng IHME, co-authos ng pag-aaral, “Vaccines continue to be important for everyone in order to protect high-risk populations such as those who are over 60 years of age and those with comorbidities.
Nagbigay din ang pag-aaral ng mas tumpak na larawan kung ano ang maaaring katayuan Covid sa hinaharap, dahil mas maraming nabakunahang tao ang muling nahahawahan, kaya nagkaroon na ng “hybrid immunity.”
Ayon naman kay Cheryl Cohen, isang epidemiologist sa National Institute for Communicable Disease ng South Africa, “In the long run, most infections will occur in people with strong protection against severe disease because of previous infection, vaccination, or both. These results suggests that, similar to other human coronaviruses, there might be a low seasonal hospitalisation burden, associated with Covid.”
© Agence France-Presse