Covid Mass Testing, posibleng matigil dahil sa mahigit 800 milyong pisong utang ng Philhealth sa Red Cross
Nagbabala ang Philippine Red Cross (PRC) na maaaring matigil na naman ang ginagawa nilang Covid Testing para sa mga umuuwing Overseas Filipino workers.
Ayon kay Senador Richard Gordon, Chairman ng PRC, aabot na naman kasi sa 818 milyong piso ang pagkakautang ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Sabi ng Senador, hindi sumunod ang Philhealth sa pangakong linggu-linggo ay magbabayad para mabawasan ang kanilang utang.
Nangako aniya ang Philhealth na magbabayad ng 200 million noong nakaraang linggo at 200 million pesos ngayong linggo pero hindi natupad.
Iginiit ng Senador na kailangan ng Red Cross ng pondo pambili ng kanilang suplay, pampa-suweldo sa mga Medical Technologists at iba pang gastusin ng kanilang mga volunteers.
Bukod dito, naghahanda rin aniya sila para sa pagbili ng bakuna para sa lahat ng kanilang mga volunteers.
Ang Red Cross aniya ay nakapagsagawa na ng mahigit 2. 2 milyong tests.
Meanne Corvera