COVID positivity rate sa bansa umakyat sa 7.6% – DOH
Tumaas sa 7.6% ang positivity rate ng COVID-19 infection sa bansa mula sa 6.9% nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Health OIC Ma Rosario Vergeire, mula sa 274 ngayon ay umaabot na sa 371 ang arawang kaso ng impeksyon sa bansa.
Pero giit ng opisyal hindi ito dapat ikabahala ng publiko dahil karaniwan sa mga kasong ito ay mild at asymptomatic.
Sinabi ni Vergeire “hindi natin dapat ibase sa positivity rate lang ang pag analisa kasi pwede may epekto sa maraming bagay.”“Minsan hindi talaga nagpapa-test, sila na lang ang nag-a-isolate on their own,”
Nananatili rin aniyang manageable ang health system kung saan ang non-ICU beds ay 17.4 percent lang ang occupancy rate habang 12.3 percent naman sa ICU beds.
May ilang ospital aniya ang binabantayan sa National Capital Region (NCR) dahil sa tumaas na kaso pero ito ay dahil sa limitadong ICU beds habang ang sa Mindanao naman ay tumaas ang kaso dahil sa COVID referral hospital ito.
Dahil rito, ilang lokal na pamahalaan gaya ng Maynila ang pinag-aaralan kung dapat bang ibalik ang mandatory face mask policy.
Pero sagot ng DOH rito, hindi kailangan.“Hindi tayo nagko-consider na ibalik ang masking mandate. We encourage everybody kahit noon na piliin natin, alam natin kelan tayo mag=mask lalo kung lugar na matao,” dagdag pa ni Vergeire.
Dapat din aniyang ikunsidera ang bentilasyon, lalo na kung may comorbidity.
Nilinaw ri ni Vergeire na walang kailangang baguhin sa mga protocol na ipinatutupad maging sa isolation.
Hinikayat din nito ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 na magpabakuna na.
Inanunsyo rin ng DOH na nalagdaan na ang guidelines para sa pagtuturok ng 2nd booster sa general adult population.
Sa oras na matanggap na ito ng mga LGU, pwede na aniyang simulan ang bakunahan.
Madelyn Moratillo