Covid response pinabilis ng North Korean military; bilang ng mga kaso ng ‘lagnat’ malapit na sa 1.5 milyon
Pinabilis ng North Korean military medics ang pamamahagi ng mga gamot para labanan ang isang lumalawak na coronavirus outbreak, kung saan ang bilang ng mga napaulat na kaso ng lagnat ay malapit na sa 1.5 milyon.
Ipinag-utos ni North Korean leader Kim Jong Un ang nationwide lockdowns upang subukang pigilan ang pagkalat ng sakit sa unvaccinated population, at idineploy ang militar matapos ang aniya’y nabigong pagtugon sa outbreak.
Sa ulat ng official Korean Central News Agency (KCNA), agad na nag-deploy ang militar ng malakas na puwersa sa lahat ng mga botika sa Pyongyang City at sinimulan ang pagsu-suplay ng gamot sa ilalim ng 24-hour service system.
Mahigpit na binatikos ni Kim ang healthcare officials sa kabiguan na panatilihing bukas ang mga botika.
Simula nang i-anunsiyo ang unang kaso nito ng Covid-19, inilagay na ng lider ng North Korea ang kaniyang sarili sa unahan at gitna ng Covid response ng bansa, sa pagsasabing ang outbreak ay nagdudulot na ng “malaking kaguluhan.”
Ayon sa KCNA, ang mga awtoridad ay nakapag-ulat na ng higit 1.48 milyong kaso ng “lagnat” hanggang Lunes ng gabi, kung saan 56 na ang namatay at hindi bababa sa 663,910 ay sumasailalim sa gamutan.
Pinaigting naman ng mga awtoridad ang media awareness campaigns, dinagdagan naman ng pharmaceutical factories ang produksiyon ng mga gamot.
Sa ngayon ay hindi pa tumutugon ang Pyongyang sa isang alok ng tulong mula sa Seoul, ayon sa South Korea unification ministry.
Naging matigas ang paninindigan ng bagong pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol sa kaniyang “nuclear-armed neighbor,” ngunit sinabi niya sa mga mambabatas nitong Lunes na hindi siya mag-aatubiling tumulong kung tatanggapin ng Pyongyang.