COVID vaccination sa mga batang 5-11 y.o. , ipinapahinto sa korte
Dalawang magulang ang dumulog sa korte sa Quezon City para ipatigil ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang.
Sa mahigit 60-pahinang petisyon na inihain ng mga magulang na sina Dominic Almelor at Girlie Samonte sa pamamagitan ng Public Attorneys’ Office, hiniling nila sa Quezon City Regional Trial Court na mag-isyu ng TRO laban sa implementasyon ng nasabing pediatric vaccination.
Nais din ng mga petitioners na ipawalang-bisa at ideklarang labag sa Saligang Batas ang DOH memorandum.
Ayon sa PAO, may grave abuse of discretion at labag sa Konstitusyon ang inisyung memorandum ng DOH para sa pagbabakuna sa 5 to 11 year olds ng COVID vaccines.
Layon anila ng petisyon na protektahan ang mga bata laban sa mga panganib sa kalusugan at fatal consequences ng COVID vaccines lalo na’t ang mga ito ay bago at experimental pa lamang.
Kahit ang isang dose lang anila ng COVID vaccines ay maaaring magresulta ng irreparable damage sa kalusugan at buhay ng mga bata at maaaring magdulot ng serious illness, permanent disability at pinaka malala ay kamatayan.
Nilinaw naman ng PAO na hindi sila kontra sa COVID vaccination ng pamahalaan.
Pero, umaasa sila na igagalang ng DOH ang pasya ng sinuman lalo na kung ang sangkot ay mga bata at mayroon pa ring uncertainties sa efficacy at kaligtasan ng mga bakuna.
Moira Encina