COVID vaccination sa mga menor de edad na may comorbidities, sinimulan na rin sa CALABARZON
Isinagawa sa CALABARZON ang sabay-sabay na pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga batang may comorbidities na edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Ginanap ang ceremonial vaccination sa pediatric A3 population sa mga piling ospital sa rehiyon.
Kabilang dito ang General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires, Cavite; San Pablo City General Hospital sa Laguna; Batangas Medical Center sa Batangas City; RPHS- Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan, Rizal; at Quezon Medical Center sa Lucena City.
Target naman ng DOH CALABARZON na ngayong linggo ay maumpisahan na ang pagbabakuna sa lahat ng batang 12 to 17 years old bilang paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Isinagawa ang pediatric vaccination sa mga pagamutan para mamonitor ang mga bata at maagapan ang mga posibleng serious adverse reactions sa bakuna.
Ang Pfizer at Moderna vaccines lamang ang puwedeng pagpilian sa mga bakuna para sa mga bata.
Moira Encina