Criminal probe sa pagpapabagsak sa Russian plane binuksan na ng Ukraine
Binuksan na ng SBU security service ng Ukraine ang isang criminal probe sa pagpapabagsak sa isang Russian military plane, na ayon sa Moscow ay ikinamatay ng 65 Ukrainian prisoners of war (POWs).
Hindi sinabi ng Kyiv kung ang Ukrainian soldiers ay namatay o kung sangkot sila sa pagpapabagsak sa military transport plane sa western Belgorod region ng Russia, malapit sa hangganan nito sa Ukraine.
Ayon sa SBU press service, “The security service of Ukraine has opened a criminal investigation into the downing of an IL-76 Russian Air Force plane in the Belgorod region. The SBU is currently taking a range of measures to clarify all the circumstances of the downing.”
Noong Miyerkoles ay nagpatawag si Ukrainian President Volodymyr Zelensky ng isang international investigation sa nangyari.
Kinumpirma ng Kyiv na nakatakdang magkaroon ng prisoner exchange noong Miyerkoles sa hangganan sa pagitan ng dalawang bansa, ngunit sinabing hindi ipinagbigay-alam sa kanila ng Moscow na ang POWs ay sa eroplano isasakay.
Hindi rin kinumpirma o itinanggi ng Ukraine ang sinasabi ng Russia na pinabagsak ng Kyiv ang eroplano, na ikinamatay ng dose-dosenang Ukrainian soldiers na lulan nito.
Sinabi ng SBU na ikukonsidera sa gagawin nilang criminal probe ang mga “paglabag sa mga batas at customs ng giyera.”
Nitong Huwebes ay nagbabala si Zelensky, na ang kakayahan ng Ukraine na tiyakin ang mga katotohanan tungkol sa pagbagsak ng eroplano ay maaaring hadlangan dahil nangyari ang insidente sa teritoryo ng Russia.