Critical condition ng kaso ng COVID-19 sa bansa , pinaghahandaan na ng pamahalaan – Malakanyang
Inamin ng Malakanyang na walang magagawa ang pamahalaan kundi harapin ang sitwasyon sakaling umabot sa critical condition ang kaso ng COVID 19 sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque batay sa record ng Inter Agency Task Force o IATF nasa high risk condition na ang kaso ng COVID 19 sa bansa matapos makapagtala ang Department of Health o DOH ng mahigit 18 libong bagong kaso noong nakaraang araw.
Ayon kay Roque ang projection ng mga eksperto ay 20 libong kaso ng COVID 19 kada araw ay papasok na ang bansa sa critical condition na nangangailangan ng mas matinding hakbang para makontrol ang ibayo pang pagkalat ng pandemya ng corona virus.
Inihayag ni Roque kapansin-pansin ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa kabila ng ipinatupad na Ehanced Community Quarantine o ECQ sa National Capital Region o NCR dahil sa Delta variant.
Niliwanag ni Roque kahit high risk condition na ang kaso ng COVID 19 sa bansa maituturing parin itong manageable dahil nasa 73 percent pa ang hospital bed utilization sa bansa at nagdesisyon na ang One Hospital Command na pinamumunuan ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na obligahin na ang mga Ospital sa buong bansa na dagdagan na ang kanilang ICU beds capacity upang matugunan ang pangangailangan ng dumaraming bilang ng mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon.
Vic Somintac