Cruise ship tourism , balik operasyon na sa bansa
Balik na ulit ang Cruise ship tourism sa ibat ibang lugar sa bansa matapos matigil ng 3 taon dahil sa travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Philippine Ports Authority kabilang sa mga lugar na bibisitahin ng mga cruise ship na ito ay Ilocos Sur, Palawan, at Bohol.
Sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago, malaking tulong ito dahil tiyak na magbubukas ito ng maraming job opportunities.
Aniya ang “MV Seabourn Encore” ay dumating kahapon sa Port of Coron, Palawan.
Mayroon itong higit 500 guest na karamihan ay galing sa Estados Unidos, United Kingdom, Germany, Australia, at Canada.
Mayroon rin itong sakay na 452 crews kung saan 201 ay mga pinoy.
Sa Bohol naman, darating sa Pebrero 11 ang international cruise ship na “Silver Shadow” sa Port of Tagbilaran.
Mayroon itong 392 guest capacity at 302 crew capacity.
Ayon sa Port Management Office, sa Mayo hanggang Hulyo ay inaasahan nila ang pagtaas ng kanilang passenger traffic.
Sa Ilocos Sur naman, darating ang “MV Silver Spirit sa February 14.
Ang luxury ship ang unang international cruise ship na dadaong sa Salomague port matapos ang 3 taon.
May sakay itong 500 American at European passengers.
Sa datos ng PPA, ang mga pantalan ng Salomague, Coron, at Tagbilaran ay Nakapag cater ng 48,100 tourists noong 2019 bago ang pandemya.
Madelyn Villar – Moratillo