CSC: Hazard pay ng mga manggagawa sa panahon ng Pandemya, epektibo lamang kung nasa Alert Level 5
Makatatanggap pa rin ng hazard pay ang mga manggagawa kung nasa Alert Level 5 ang lugar kung saan sila nagtatrabaho.
Sa Laging Handa Public Briefing, ipinaliwanag ni Civil Service Commission Commissioner Atty. Aileen Lizada na batay sa guidance ng Department of Budget and Management, ang Alert Level 1 hanggang 4 ay maituturing na General Community Quarantine habang ang Alert Level 5 ay Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Lizada ang mga lugar lamang na nasa alert level 5 o ECQ ang makatatanggap ng hazard pay.
Sinabi ni Lizada sa labas ng Metro Manila na epektibo pa rin ang dating sistema ng quarantine classifications tatanggap pa rin ng hazard pay ang mga manggagawa kung ang lugar nila ay nasa ilalim ng ECQ at Modified ECQ.
Sa ngayon ang buong Metro Manila lamang ang nasa Alert Level 4 kaya walang hazard pay na matatanggap ang mga manggagawa.
Batay sa pahayag ng Inter-Agency Task Force kung magiging matagumpay ang pilot testing ng Alert level system sa Metro Manila ay ipatutupad na rin ito sa iba pang lugar sa bansa.
Vic Somintac