Curfew, mahigpit na ipatutupad sa Maynila simula mamayang gabi
Bawal ng magpagala-gala sa mga pampublikong lugar ang mga menor de edad sa Maynila simula mamayang alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Ito ay matapos lagdaan ni Manila mayor Isko Moreno ang bagong ordinansa na nag-aatas sa Department of Social Welfare ng Maynila, at lahat ng mga opisyal ng Barangay para mahigpit na ipatupad ang ordinansa kaugnay sa curfew sa mga kabataan.
Inatasan naman ng alkalde ang pamunuan ng Manila Police District na mag-report linggu-linggo kaugnay sa implementasyon ng curfew.
“Ipinag-uutos ko sa ating Department of Social Welfare ng Manila kay Director Rey Pugoso na palawigin ang pagkalap sa mga bata sa kalye sa lunsod ng Maynila simula ngayong gabi, araw-araw at inaatasan po namin ang lahat ng punong barangay sa lunsod ng Maynila na ipatupad ang batas na curfew sa lunsod. Ito ay Ordinance number 8547, series of 2018″.
Sa hiwalay na ordinansa, nakasaad naman na pagmumultahin ang mga magulang ng mga batang mahuhuling lumalabag sa curfew.
2,000.00 piso ang penalty o pagkabilanggo ng hanggang 1 buwan sa mga magulang ng mga nasa edad 15 hanggang 17 anyos na lalabag sa curfew…..habang 3,000.00 piso naman o pagkabilanggo ng hanggang 3 buwan sa mga nasa edad 13 hanggang 14 anyos.
Para naman sa mga magulang na ang anak na lalabag sa curfew ay nasa 12 anyos…multang 5,000.00 piso at pagkabilanggo ng hanggang anim na buwan ang parusa sa kanila.
Penalty sa mga magulang na ang anak ay mahuhuling lumabag sa curfew:
15 to 17 years old – 2,000 penalty o 1 buwang pagkabilanggo
13 to 14 years old – 3, 000 penalty o 3 buwang pagkabilanggo
12 years old and below – 5,000 o 6 buwang pagkabilanggo
Kagabi nasa mahigit 20 menor de edad ang nasagip matapos ang pag iikot ni Mayor Isko sa may bahagi ng Tondo.
Ilan sa mga nahuli ay walang damit pang itaas, mayroon rin umanong gumagamit ng rugby o solvent at may natyempuhan pang umiinom ng alak.
May grupo rin ng mga batang hamog na nag-riot sa may Delpan.
Ayon sa alkalde, layon ng ordinansa na masiguro ang kaligtasan ng mga kabataan.
Ulat ni Madelyn Moratillo