Cyber attacks sa gobyerno pumalo sa higit 3,000
Umabot na sa 3,000 “high level” cyber attacks ang naitala sa Pilipinas mula 2020 hanggang 2022.
Sinabi ni Assistant Secretary Jeffrey Ian Dy ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na halos kalahati ng nasabing pag-atake ay sa sistema ng networks ng mga ahensya ng gobyerno at emergency response teams.
Sa datos, namonitor ng DICT ang 54,000 cyber threats sa kaparehas na peryodo.
Mula naman noong Enero 2023, limang government agencies ang inatake ng mga hackers.
“It is a challenge. We are improving but not as quickly as we want, as fast as we want compared to other ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) neighbors,” dagdag pa ni Dy.
Tiniyak naman ni Dy na nakatutok na ang binuong National Computer Emergency Response team laban sa lahat ng banta ng cyber attack at gagawin ang kanilang bahagi para mapigilan ang mga ito.
Samantala, isinusulong rin ng ahensiya ang pagpapasa ng batas para sa mandatory reporting ng hacking incidents.
Kailangan din aniya ng bansa ng mas maraming cybersecurity professionals.
“Some research says that we should have at least 200,000 cybersecurity professionals within the next month to two years,” pahayag pa ng opisyal.
Vhin Pascua