DA aminado na malaki rin ang problema ng bansa sa asin
Bukod sa asukal at puting sibuyas, may seryosong problema rin daw ang bansa sa asin.
Sinabi ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban na may kakulangan ng asin sa bansa kaya dapat na palakasin pa ang lokal na produksiyon nito.
Ito ang dahilan aniya kaya nag-a-angkat pa ang Pilipinas ng malaking volume ng asin kahit na kaya naman na ito mai-produce ng local salt manufacturers.
Tinataya aniyang nasa kalahating bilyong piso ang halaga ng problema sa asin.
Ayon kay Panganiban, isa ang nasabing isyu sa kaniyang mga tutukan sa DA lalo na’t ang asin ay isa sa mga pangunahing sangkap sa abono para sa niyog.
Iginiit ng opisyal na dapat magkaroon ng programa sa asin ang bansa.
Sang-ayon din ang opisyal na amiyendahan ang ASIN Law.
Gayunman, nilinaw ng DA official na ang mababang produksiyon ng asin ay hindi naman inaasahan na magdudulot ng pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Sa Kamara, isang panukalang batas ang inihain para muling buhayin ang local salt industry at hindi maging tuluyang dependent ang bansa sa imported salt.
Sa ilalim ng House Bill 1976, bubuo ang pamahalaan ng komprehensibong plano para sa development ng salt industry sa bansa at magbibigay ng insentibo sa mga salt farmers at exporters.
Ayon sa panukala, tinatayang nag-aangkat ang bansa ng 550,000 metric tons ng asin kada taon.
Moira Encina