DA dumepensa sa naging aksyon sa pagkalat ng bird flu
Dumepensa ang Department of Agriculture sa naging aksyon nito laban sa bird flu virus sa Pampanga at Nueva Ecija.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na mas mabuti na ang ginawa nilang hakbang sa halip na kumalat pa ang virus.
Kinuwestyon ng mga Senador kung tama ba ang ipinatupad na protocol ng DA kung saan kinailangang katayin ang libo-libong manok at ibon at sirain ang iba pang poultry products matapos magpositibo sa avian flu virus ang isang farm sa Pampanga.
Mas pinalala pa ang problema dahilan kaya nalugi ang ilang farm.
Pero katwiran ni Pinol, ginawa nila ito para hindi na kumalat sa iba pang lalawigan ang virus.
Ginawa lang nila ang precautionary measures lalo’t ang natukoy na H5N6 na tumama sa San Luis Pampanga na maaaring makahawa hindi lang sa hayop kundi sa tao.
Kinumpirma ni Pinol na kahit bird flu free na ang Pilipinas, inatasan niya ang lahat ng regional directors na magsagawa ng sampling sa lahat ng farms para matiyak na ligtas sa anumang virus.
Mas pinaigting na rin aniya ang monitoring at surveillance para matiyak na hindi na mauulit ang insidente.
Ulat ni: Mean Corvera