DA-PhilRice, nagsimula nang mamahagi ng libreng certified inbred seeds para sa 2021
Nagsimula na ang pamamahagi ng libreng certified inbred seeds sa mga magsasakang benepisyaryo ng RCEF o Rice Competitiveness Enhancement Fund sa mga probinsyang mauunang magtanim para sa darating na tag-araw.
Kabilang sa mga probinsyang ito ang Pangasinan, Camarines Sur, Iloilo, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at South Cotabato. Samantala, isinama naman ang Abra sa listahan ng mga probinsyang mabibigyan din ng binhi sa ilalim ng programa.
Ayon kay Flordeliza H. Bordey, RCEF Program Management Office Director ng PhilRice, mas pinaaga ang pamamahagi ng libreng binhi ngayong taon kumpara sa parehong season noong 2019 bilang tugon na rin sa hiling ng mga magsasaka na makakuha ng binhi bago pa man ang simula ng taniman.
Para sa tag-araw ng 2021, aabot sa 1.6 milyong sako ng libreng binhi ang ipapamahagi sa mahigit 600,000 magsasaka sa mga rice-producing provinces sa bansa.
Bawat magsasakang benepisyaryo ay makatatanggap ng 1 sakong inbred seeds kada kalahating ektarya na may 20 kilong timbang bawat sako.
Hinihikayat ni Bordey ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa kanilang municipal/city agriculture office upang malaman ang iskedyul ng pamamahagi ng binhi sa kanilang lugar.
Belle Surara