DA tinitingnan ang calibrated importation ng sibuyas
Binabantayan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang imbentaryo ng sibuyas, gayundin ang presyuhan nito mula sa farm gate hanggang makarating sa palengke.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista na tinitingnan din ng DA ang calibrated importation para matiyak ang sapat na supply ng sibuyas.
Tiniyak ni Evangelista na nakikipag-ugnayan ang DA sa mga stakeholders nito, partikular sa grupong Samahan Industriya ng Agrikultura (SINAG) para sa timing ng importasyon.
“Katulong natin ang SINAG, may recommendation sila para tama ang timing at volume. Yung Bureau of Plant Industry (BPI) is looking into inventory, looking into calibrated importation, hindi natin gustong ikalugi ito ng magsasaka, but we also have responsibility towards our customers,” paliwanag ni Asec. Evangelista.
Sa nakalap na impormasyon ng DA nasa P120/kg ang presyo ng sibuyas sa farm gate price pa lamang.
Ito aniya ang isa sa dahilan kung bakit tumataas ang presyo sa palengke.
Pero tinitingnan din ito ng DA kung may pangangailangan na magpatupad ng suggested retail price (SRP) sa sibuyas.
“Sa ngayon ang nakuha nating datos ay P120/kg ang sibuyas, farm gate price pa lang, yun po ang mino-monitor din natin, kasama ang SINAG sa monitor ng farm gate price, that would explain bakit tumataas ang presyo sa palengke, that is also an indicator kung kailangan na SRP,” dagdag pa ni Evangelista
Sa ngayon ay pumapalo na sa P180 hanggang P200/kg ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan.
Sinabi ng SINAG na dapat ay nasa pagitan lamang ng P130 hanggang P140/kg ang retail price ng sibuyas.
Umapela rin sila sa DA at BPI na maging aktibo sa pagsubaybay sa presyo upang maiwasan ang pagsirit sa halaga ng sibuyas sa pamilihan.
Weng dela Fuente