Daan-daang libong manggagawang Pinoy sa buong mundo, apektado ng Covid-19 Pandemic – DOLE
Pumalo na sa 478,838 ang mga manggagawang Pinoy ang naapektuhan ng Covid-19 sa buong mundo.
Sa Budget hearing sa Senado, sinabi ni Labor secretary Silvestre Bello III mahigit 230,000 sa mga ito ay natulungan nang makauwi ng bansa habang mahigit sa 400,000 ang mas piniling manatili sa mga kinaroroonang bansa kahit nawalan na ng trabaho.
Ayon pa s akalihim, may mahigit 13,305 OFWs ay naghihintay ng repatriation habang mahigit 51,000 ang nag-request ng repatriation.
Mayroon namang 70,647 Migrant workers ang stranded sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Sa datos rin ng DOLE, umaabot na sa 8,880 OFWs ang nagpositibo sa Covid-19 kung saan 4,536 sa kanila ang nakarekober habang 848 ang namatay ngunit nasa 299 bangkay lamang ang naiuwi sa bansa.
Tiniyak naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac ang mga ayudang ibibigay sa mga OFW na umuuwi pati na ang mga stranded OFW na hindi makaalis dahil sa umiiral na mga travel restrictions.
Kabilang na rito ang tulong pinansyal, livelihood assistance at scholarship program para sa kanilang pamilya.
Meanne Corvera