Daan-daang residente sa Cavite, inilikas dahil sa matinding pagbaha
Daan-daang residente sa mga coastal areas ng Cavite ang inilikas dahil sa halos umabot sa 3 talampakang lalim ng tubig-baha sanhi ng tuluy-tuloy na pag-ulan.
Partikular na inilikas ang mga residente sa mga lungsod ng Bacoor, Imus, General Trias at Cavite at mga munisipalidad ng Kawit, Noveleta at Rosario.
Nakaranas rin ng matinding pagbaha ang Rosario, Tanza, Naic, Maragondon at Ternate.
Umabot sa 107 indibidwal o 25 pamilya ang inilikas sa evacuation center sa San Rafael 3 at Sitio Long Beach, Barangay San Rafael 4 sa Noveleta.
Ang mga apektadong residente sa Noveleta at Cavite city ay napadalhan na ng relief packs.
Samantala, 19 na pamilya o 90 indibidwal ang inilikas sa bayan ng Rosario at Ternate habang nasa 88 pamilya o 234 indibiwal ang inilikas naman sa Barangay Bucana.
Nasa 344 indibiwal naman o 93 pamilya mula sa Bucana sasahan, Naic ang pansamantalang nanunuluyan sa isang public elementary school.
Sa bayan ng Tanza ay nasa 140 pamilya o 431 indibiwal ang inilikas at napaulat rin na nasa 22 ang napinsala ng matinding pag-ulan at baha.