Dagdag alokasyon ng anti-Covid-19 vaccine sa ibang rehiyon, inaayos na ng NTF
Siniguro ng National Task Force o NTF na hindi mapapag-iiwanan ang ibang rehiyon sa bansa sa suplay ng anti COVID 19 lalo na ang mga naninirahan sa mga isla at liblib na lugar.
Sinabi ni NTF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez na inaayos na ang alokasyon ng bakuna para sa ibang rehiyon ngayong halos nasa 50 percent na ang nababakunahan sa National Capital Region o NCR.
Ayon kay Galvez bagaman nakatutok ang pamahalaan sa mga lugar na matataas ang kaso ng COVID 19 dahil sa Delta variant itataas din ng NTF ang alokasyon ng suplay ng bakuna sa iba pang lugar sa bansa.
Inihayag ni Galvez kailangan ang tulong ng local government units o LGU’s para maitaas ang bilang ng mga mababakunahan sa kanilang mga nasasakupan.
Iniulat ni Galvez na umabot na sa mahigit 48 milyong doses ng bakuna ang naideliver sa bansa at mahigit 39 na milyong doses dito ay naideploy na sa ibat-ibang panig ng kapuluan.
Umaasa si Galvez na sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan ay aabot na sa mahigit 53 milyong doses ng bakuna ang makukuha ng bansa.
Vic Somintac