Dagdag buwis sa mga Private Institutions, pinakakansela ng mga Senador
Pinangangambahan ng mga Senador na mas maraming pribadong eskwelahan pa ang maaaring magsara ngayong pasukan kapag ipinilit ng Bureau of Internal Revenue na patawan ng 25 percent na buwis ang mga eskuwelahan.
Sa pagdinig ng Senate Ways and Means Committee, sinabi ni Senador Sonny Angara na tila ibinabaon pa sa libingan ng gobyerno ang mga Private school at Educational Institution.
Maling patakaran aniya ng gobyerno na magpataw ng dagdag bayarin sa mga educational institutions gayong ito ang isa sa mga matinding hinagupit ngayong Pandemya.
Si Angara ang naghain ng Senate Bill 2272 na layong itama ang Revenue Regulation at amyendahan ang Section 27 ng National Internal Revenue Code.
Sa inilabas na Revenue Regulation No. 5-2021 ng BIR, mula sa kasalukuyang 10 percent, gagawin nang 25 percent ang ipapataw na buwis sa mga educational institution.
Nais ng mga Senador na ipawalang-bisa ang naturang revenue order.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, dagdag pahirap aniya ito lalo na sa mga magulang na nawalan ng trabaho at bumagsak ang negosyo dahil sa Pandemya.
Kuwestyon naman ni Senador Franklin Drilon, saan ibinatay ng BIR ang ganitong kautusan at bakit iba ang kanilang interpretasyon sa batas.
Wala aniyang pinagtibay na ganitong patakaran ang Kongreso nang aprubahan ang CREATE Law.
Pinagtibay ang CREATE Law para bawasan ang Corporate Income Tax at mabigyan ng Tax relief ang mga kumpanya para makahikayat pa ng mga dayuhang mamumuhuan.
Sa ganitong paraan matutulungang makabangon ang mga negosyo na apektado ng Pandemya.
Meanne Corvera